Sa Amin, Sa Dagat-dagatang Apoy
Author: Mayette M. Bayuga
Sa mundo ng imahinasyon ng awtor nagsisimula ang magandang akda. Sa kaniyang panaginip at bangungot, guniguni at alaala, nabubuo ang isang kakaibang mundo. Ito ang mundo ng nobelang Sa Amin, sa Dagat-dagatang Apoy ni Mayette M. Bayuga. Dito’y totoo ang mga elementals, sapagkat sila’y humanized. Kaya naman nakaka-relate tayo kahit sa mga “aswang,” tulad ni Angel, ang bida, at ni Blanca, ang piksyunal na awtor, na kapwa “sinasapian.” Pinoproblema nila ang gunaw.Ano ang simula at dulo ng gunaw? Ano ang mga palatandaan at babala? Pinuproblema rin kung saan mahahanap ang “lalaking birhen.”
Sa dulo, ang inaakalang nobelang pop na tumatalakay sa usong paksa ngayon, ang vampire sa West at aswang sa Pilipinas, ay tungkol din pala sa maselang isyu ng kasarian. Psychological din pala ito. (Yes, may sex life din ang mga elementals.)
Ang lungkot at kawalan ng tiwala sa sarili ng isang “ordinaryong” babae sa lipunang patriyarkal ay tulad nga rin ng isang sumpa. At nagbabalik ang mga panaginip at bangungot, ang guniguni at alaala, pati na ang mga personal na trahedya. Isinasali tayong mambabasa sa paghahanap ng simula at dulo, ng kahulugan ng hindi mawawaan, ng mga pangyayaring totoo (kahit kathang-isip) sa buhay ng bida at piksyunal na awtor ng akda.
Ang matuwa (kahit malungkot) ang mambabasa, ang masiyahan sa pagbabasa ng akda, iyon ang tunay na gantimpala. Ang kilalanin ng NCCA ay bonus na lamang. Ang hangaan at igalang ng kapwa manunulat, iyon ang dangal ng panulat. Ang lahat ng ito’y posible, sapagkat mahusay ang akda. Sapagkat mahusay ang may akda.
C.2015 / UPP