DREAM WEAVERS: Hinahabing Panaginip DVD
Ang mga T’boli sa paligid ng lawa ng S’bu ay isa sa pinakamalikhaing tribo sa Pilipinas. Likas sa kanila ang galing sa paghahabi, pagsasayaw, pagtugtog ng iba’t ibang instrumento, pag-awit, at pagkukuwento—mga sining na dati’y nakapaloob sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
Sa mahabang panahon, namuhay silang malapit at naaayon sa kalikasan. Kalikasan ang pinagmumulan at inspirasyon ng kanilang sining. Mula sa hibla ng abaka, na tinitina ng mga dahon at ugat, hinahabi nila ang t’nalak. Ang malamyos na kampay ng ibon, gayundin ang nakatutuwang kilos ng unggoy ay inspirasyon ng kanilang mga sayaw.
Itinuturing nilang banal ang mga lawa at ilog, gubat, puno at mga hayop sa kanilang paligid. Anuman ang kunin nila mula sa kalikasan ay pinapagpaalam nila sa mga espiritung nagmamay-ari nito.
Buhay na buhay sa diwa ng mga T’boli ang mga diyos at espiritu na gumagabay sa kanilang bawat gawain at nakakausap nila sa kanilang panaginip.
Ngunit dumating ang mga dayuhan sa Lake Sebu at sa pagdating ng Kristiyanismo at mga makabagong kaugalian nagbago ang buhay ng mga T’boli, pati na ang kanilang sining.
Sa gitna ng pagbabago, may ilang T’boling patuloy na nananaginip, naghahanap ng sagot sa mga dating kaugalian, nilalabanan ang paglimot.
Makikita sa dokumentaryong ito ang kagandahan ng Lake Sebu at ang kamangha-manghang galing ng mga T’boli sa iba’t ibang sining, tulad ng pagsasayaw, pagtugtog ng instrumento, at paghahabi ng t’nalak.
Ipinakikita dito ang buong proseso ng paggawa ng sinaunang t’nalak, isa sa pinakatatanging likha ng mga T’boli noong unang panahon at magpahanggang ngayon. Sa kuwento ng mga manghahabi, malalaman natin ang pinagmulan ng napakaraming dibuho ng t’nalak at ang tunay na halaga nito para sa mga sinaunang T’boli.
Ngunit higit na mahalaga, maririnig natin ang mga boses ng mga T’boli sa dokumentaryong ito at malalaman ang kanilang nasa sa loob — ang kanilang mga paniwala, hangarin, at pakikibaka — sa pamamagitan ng kanilang sining, mga alamat, at pansariling kuwento.